Pilipinas

Sa aking paguwi sa Pilipinas, naisip ko miss ko na pala ang bansa ko

Tatlong taon na akong hindi nakakauwi ng Pilipinas. Na “miss” ko na ang mga kamag anak ko, mga kaibigan, pati ang bahay namin at mga aso. Subalit kahit alam na alam ko na tatlong taon na, hindi ko masyadong namalayan at naramdaman dahil sa trabaho; turo dito, turo doon.

Hindi naman sa nagririklamo ako. Sa katotohanan nga, ako ay masaya. Siguro ang isang bagay na maganda sa pagtuturo sa Thailand na naranasan ko ay ang mga imbitasyon magsalita o kaya naman ay magturo sa mga estudyante sa ibang paaralan, sa mga guro, pati na rin sa iba’t ibang kumpanya. Isa itong kasiguraduhan na uuwi na may laman ang bulsa.

Pero ganun pa man, bilang isang OFW na matagal tagal din na nawalay sa Pilipinas, hinahanap hanap ko pa din ang ingay ng mga sasakyan sa kalsada, mga taong naglalakad sa kalye, pati na rin ang mga chismoso’t chismosa sa baranggay namin. At dahil uuwi ako ngayong summer, siguradong magiging tampok ako sa kanilang mga kwento. Napapaisip na nga ako ngayon pa lang kung ano ang magiging dagdag at bawas sa kanilang mga obra maestrong salaysay.

Sabi ko noon, “Kapag ako nakapag-abroad, hindi na ako uuwi ng Pilipinas. Mahirap kasi buhay dito.” Sabi ko lang pala iyon. Wala palang katotohanan. Kung ikaw ay marunong sa buhay, mabubuhay at mabubuhay ka kahit saan ka man. Dami kong kaibigan na maganda na ang buhay ngayon. Siguro desperado na ako ng mga oras na naisip ko iyon at tanging pag abroad ang solusyon na naisip ko para maingat ko ang sarili sa hirap.

Bilang isang OFW na nangrap mangibang bansa noong kabataan pa at natupad na nga sa kasalukuyan, iba ang hatak ng bansang sinilangan. Malakas. Mabilis. Walang katulad. At sa aking pagbakasyon sa Pilipinas, nagpapasalamat ako sa Diyos dahil naranasan ko ang dating buhay ko na mahirap at ang buhay na pinangarap. At ngayon, ako nga ay magbabakasyon para muling makita si Pilipinas.

Facebook Comments

Top