Philippine Immigration Reminders

Philippine Immigration Reminders According to Philippine Immigration Officer

1 Shares

I’m sharing this information which was originally posted as a status on Facebook by Kev Vitug, a Philippine Immigration officer. According to Vitug, these are just some of his observations as an IO. He mentioned at number 8 some of the reasons why they offload passengers. Perhaps this may shed light particularly to those who don’t understand why immigration officers do what they do. 
 
In entirety, these reminders are helpful for both first time and experienced travelers. Read them all below.
 
IMMIGRATION REMINDERS,

spoon feeding episode

1. TELEPONO. Wag po kayong gumamit ng telepono kapag malapit na kayo o nasa harap kayo ng counter. Una, nakasulat naman na bawal. Pangalawa, kapag nakatungo ka sa telepono mo, hindi mo napapansing tinatawag ka na, pampatagal, sayang sa oras. Pangatlo, iniinterbyu ka, walang galang na mag-telepono ka habang tinatanong ka tungkol sa rason kung bakit ka aalis ng bansa (DEP) o kaya kung san ka galing (ARR). Respect the person in front of you. Mas mabilis makasagot, mas mabilis maproproseso at matatapos.

2. ACCESSORIES. Tanggalin niyo po yung sombrero, face masks or shades ninyo. Paano po kayo makikilala kung nakatago yung mukha niyo. Okay lang kung bago na ang ilong niyo, artista ka o sinomang paimportanteng human pero kailangan makita yung buong face niyo para ma-picture-an para malaman kung kayo nga ba talaga yung nasa pasaporte niyo na dumaan o kakambal niyo lang o doppelgänger.

3. CAMERA at FINGERPRINT SCANNER. “Tingin pu sa camera.” Pwede po kayong ngumiti o hindi, kayo na po ang bahala. Basta’t wag po kayong magalaw at aligaga dahil blurred po minsan ang litratong nakukuha dahil galawgaw ang pasahero. Gumalaw lamang kapag sinabihan ng tapos ang proseso.

“Mamser, pingerfrint pu.” Guys, may picture na nakadikit sa counter kung anong daliri. Ang nakasulat ay: RIGHT INDEX FINGER, KANANG HINTUTURO. Mayron ding translation in JAPANESE, KOREAN and CHINESE. So, wag po kayo mag ala GWIYOMI na papakita lahat ng daliri niyo at sabihing ITO PO?, ITO PO?, ITO PO?, ITO PO? Pag nasa counter kayo, mag-observe din po kayo, at least informed na kayo bago pa ipagawa sainyo yung utos.

4. DOCUMENTS. Bago pa po kayo lumapit sa counter, dapat ready na lahat ng documents ninyo. Hindi po isa isang bibigay yung mga documents, hindi po kukunin sainyo yung mga dala ninyo. Kailangan lang po naming kumpirmahin anong gagawin niyo sa labas ng bansa (DEP).

Dapat ready na po kayo bago dumating sa counter, hindi yung doon niyo pa lang sa harap tatanggalin sa bag ninyo yung mga documents. TATLONG IMPORTANTENG BAGAY (maliban sa supporting documents) na dapat maipresenta ninyo: PASAPORTE, BOARDING PASS, DEPARTURE CARD kapag Departure at PASSPORT lamang kung Arrival. Ito ay for Philippine Passport Holders lamang. Kapag Foreign Passport Holder, kailangan pa rin ng Arrival Card.

Kung kayo naman ay OFW, dapat maipresenta ninyo ang inyong OEC, PDOS, CPDEP, EMPLOYMENT CONTRACT, RESIDENT CARD (iqama, pataqa, s-pass, etc) and so on and so forth. Isipin niyo na lang bakit niyo kinuha yung mga documents na yun, ibig sabihin kailangan ninyo ipresenta ito sa paglabas ng bansa at sa pagpasok sa bansang pupuntahan ninyo. Kaya wag niyo po sabihing nasa bagahe ninyo or iniwan / binigay ninyo sa check-in counter, kung maari, dapat may ORIGINAL at PHOTOCOPIES po kayo ng mga ito, mas maiging original copies.

Also, SIGN YOUR PASSPORTS. Nakasulat po sa passports niyo na IT IS NOT VALID UNLESS SIGNED kaya lahat ng dumadaan sakin, siguradong pinapapirmahan ko sa harap ko yan cos why would I stamp a passport that is not valid. Kahit may previous travels na kayo without having signed it, you do what is indicated. Magdala na rin po kayo ng sarili ninyong ballpen sakaling may kailangan kayong pirmahan pang mga dokumento.

5. ONE PERSON AT A TIME. Wag niyo na po ipagpilitan na isama yung isang batalyon niyong pamilya o kaibigan. Alam naming magkakasama kayo at kung hindi, pwede ninyong sabihin pero isa isa lang din ang pag-proseso dahil isa lang naman din po ang passport scanner, fingerprint scanner at camera. Hindi po namin isusulat ng sabay sabay ang mga pangalan niyo. Yung papel na pinipirmahan ninyo na one person per family ay para sa Customs while yung DEP + ARR cards naman po ay per person at para talaga yun sa Immigration.

Magulo rin minsan na bigyan ka ng sandamakmak na passports tapos isang tao lang ang pinanggalingan, nakakahilo. Kaya’t isa lamang ang pwede, unless na lamang na may kasama kayong bata, PWD or Senior Citizen na walang kakayahang sumunod sa utos ng officers o makasagot sa mga tanong. Pero kung marunong ng humawak ng pasaporte ang tao o may kakayahan ng gumawa ng simpleng bagay, ibigay niyo na sa kanila nang sila na ang mag abot sa counter mismo.

6. TANGGALIN ANG PASSPORT COVER. Hindi po payamanan o pagandahan ang labanan sa counters so di po namin hinuhusgahan yung ka-sosyalan ng passport cover ninyo para makaalis kayo ng bansa. Yung passport scanner po, mas nababasa yung passport as is na walang takip. Yung cover niyo po ay proteksyon lang o disenyo sa tuwing di niyo siya ginagamit. Tanggalin niyo po siya pag nasa counter sapagkat nakakapagpatagal rin po siya sa proseso kasama na yung mga nakaipit na mga cards at pera ninyo na baka isisi niyo pa sa officers pag nawala.

7. WAG MADALIIN ANG MGA IMMIGRATION OFFICERS. Late ka na for boarding, bakit hindi ka pumunta ng maaga? Expect the worst lagi na traffic sa mga daan at mahaba ang pila sa lahat, kesho sa x-ray machine, check-in counters or immigration mismo. Kung ayaw kang paunahin ng taong nasa harap mo, hindi nila yun kasalanan.

Ang pag proseso ng isang pasaporte at dokumento ay madali lang gawin lalo na kung kompleto na siyang iprinepresenta sayo. Kailangan din gumamit ng utak ng mga officers upang malaman kung ano pa ang mga angkop na dokumento ang dapat mong dalin, mas mainam na handa ka sa lahat ng klaseng dokumentong posibleng hingin.

8. OFFLOADED PASSENGERS. Iniiwasan sa immigration ang magpapasok ng mga pasaherong posibleng magtratrabaho sa ibang bansa na hindi dumaan sa proseso sapagkat walang kaukulang impormasyon ang pasahero ukol sa haharapin niya pag dating sa ibang bansa tulad ng human trafficking at iba pang klaseng pangaabuso tulad ng hindi pagbabayad sa serbisyong ginampanan o kaya’t hindi pagpapakain o pagpapasweldo ng tama.

Iniiwasan ng mga Immigration Officers na maranasan mo ang mga ito kaya’t kailangan ka dumaan sa proseso tulad ng pag punta sa POEA upang kumuha ng mga certificates at permits, umattend ng mga seminars na napatutungkol sa magiging buhay niyo overseas, atbp. Kaya, wag mawalan ng pagasa pag na-offload dahil minsan, kulang ka lamang sa dokumento o maaaring nagsisinungaling ka sa totoong mga balak mo sa pag yapak sa ibang bansa.

Araw araw, maraming mga OFW ang umuuwi o repatriated dahil sa pangaabusong nangyari sa kanila sa ibang bansa. Kung yung mga legitimate OFWs, naaabuso, paano pa yung mga hindi properly documented, mas lalo silang mabibiktima.

9. PASSPORT VALIDITY. Maraming nagtatanong kung maari ba silang makaalis ng bansa para mag turista kung ang pasaporte ay less than six months valid. Ang sagot ay hindi sapagkat ang general rule ng lahat ng bansa ay dapat six months valid ang mga passports.

Kung ikaw ay residente naman sa pupuntahang bansa at may maipapakitang RESIDENT CARD ay papayagan ka sapagkat doon ka nakatira at nagtratrabaho ngunit kung ang balak mo ay maging turista lamang at ang validity ng iyong passport ay less than six months ay hindi ka makakatuloy sa iyong paglalakbay.

10. PATIENCE. Ang mga pasahero at mga Immigration Officers ay mga tao lamang na napapagod rin kaya kung matututo tayong umunawa ng kapwa at ng sitwasyong hinaharap ng bawat isa, mas mapapadali ang proseso sa mga counters kung maging patient lang tayo sa pagiintay sa linya at iiwasang maging magagalitin o mainitin ang ulo.

Kapag may mga hindi naiintindihan ukol sa desisyon ng officer, maaari pong magtanong ng maayos at iwasan ang pagsisigaw or pagmumura sa mga tauhan ng Kawanihan ng Pandarayuhan upang maayos na malutasan ang mga diskyusyon.

Bilang Immigration Officer, ito ang sampo lamang sa mga obserbasyong aking napapansin. Kung mayron mang mga paraan upang mapadali ang proseso ng mga pasahero, mangyari po lamang na mag comment para malaman namin ang inyong feedback upang maibsan ang posibleng mga problemang haharapin. Maraming salamat po.

Facebook Comments

1 Shares